Huwebes, Setyembre 6, 2012

Confession of a Cheater (Pandaraya)


“It takes the courage of one to make a big change …”
Nape-pressure ka ba? Nawawalan ng gana? Napapagod ka na ba? Na sa inaraw araw na ginawa ng Diyos, paulit ulit na lamang ang ginagawa mo na minsan napag-iisipan mo nang isuko? Bakit?
May mga desisyon tayo na minsan kahit pa gaano natin pinag-isipan at kagusto, hindi pa rin ang inaasahan ang natatanggap natin. Pagkakamali ba natin iyon? O sadyang bunga lang ng mga nangyayari sa mundo na hindi natin kontrolado? Anuman ang dahilan, ang mahalaga alam natin itong harapin.
Bumakas ang malaking pagsisisi sa aking katauhan nang tila unti-unting pinapatay ng aking kasalukuyan ang maganda kong hinaharap. Maraming balakid. At hindi ko alam kung sa papaanong paraan ko ito malalagpasan. Nakakapagod. Nakakabaliw. Nakakamatay. Para akong Pilipinas na hinahamon ang China sa giyera, o Filipino athlete na namamag-asang makapwesto sa Olympics.

Ang pangunahing pumapatay sa akin? Ang kultura na bumuo ng pambihirang sistema na ginawang tila piitan ang isang banal na institusyon. Iisa ang layunin ngunit iba-iba ang pamamaraan sa pagkamit nito. Mayroong kakaunting idadaan sa tuwid at tamang proseso ngunit mas madaming pumipiling idaan sa short-cut at mabuting usapan na lamang. Pakikisama. Isang salitang matagal nang nagagamit sa maling pangungusap. “Para mag-survive, makisama ka na lang.” At kelan pa naging sapilitan ang “pakikisama”? Emotional dissonance, tutol ka sa isang paniniwala ngunit pinili mong ayunan ito sa pag-asang mas makakabuti ito hindi lang sa’yo kundi sa lahat ng tao, ngunit sa huli mapagtatanto mong hindi pala tama ang ginawa mong pagpapaubaya sa nauna mo nang pinaniniwalaan.

Sa tinagal tagal ng pamamalagi ko sa lugar na ito, ilang beses kong tinangkang umalis. Hindi dahil duwag ako o mahina, kundi dahil hindi ko masikmura ang sistema. Hanggang sa pinili ko ang mas madaling solusyon, ang “makisama.” Unti-unti kong nilunok ang bawat pride na natitira sa aking kalamnan nang nung una’y ni hindi ko maatim na pakialaman. Konti pa at medyo nagustuhan ko na, parang sigarilyong masakit sa ngala-ngala sa una ngunit unti-unting sumasarap sa pakiramdaman hangga’t sa mahibang ka na sa bawat hithit at buga. Gusto mong makasabay nang walang hirap? Makisama ka.

Ngunit tulad ng sigarilyo na masarap balik-balikan, unti-unti ka rin nitong paglalamangan nang wala kang kaalam alam. Kinikitil ang bawat buhay na natitira sa iyong kalooban hanggang dumating sa puntong huling buga mo na lang ang kulang. Ganyan din sa pag-aaral, mag-eenjoy kang mandaya sa una, easy way eh. Hindi ka na nahirapan, uno ka pa. Pero ang tanong may natutunan ka ba? Kaya mo bang ipaliwanag ang bawat detalye ng mga sagot mo kung galing lang ito sa ibang tao? Nauto mo siya dahil mas mataas ka? Mali. Nauto ka niya dahil mas naging matalino siya. Iniisip ko minsan kung anu pang kahihiyan ang aabutin ko sa hinaharap kung hindi ko pa itutuwid ang mga bagay-bagay sa ngayon.
Hindi ko maiaalis ang mangamba pagkat sa aking pagiging marupok ay naging parte ako ng maling sistema. Kaya ko pa bang kumawala? Mahirap na. Pero hindi ko din maialis ang munting tinig na nangungusap sa kalooban ko na hanggang ngayon ay nagpapaalala sa aking may pag-asa pa. Na kung gusto ay kayang paraanan. Na kung nagawa kong maging mandaraya para hindi maiwan e kaya ko ding pumasa gamit ang sarili kong talino at kakayahan. Hindi madaling lunasan ang malubhang karamdaman ngunit pwede namang dahan dahanin at unti-untiin hanggang sa tuluyang gumaling.

Minsan nang sumagi sa isip ko ang umalis na lamang ngunit sa wari ko’y hindi nito maiaalis ang mantsang nanunuot na sa aking katauhan. Kung san ka nadapa, doon ka bumangon. Kung saan ka nagkamali, doon mo itama dahil wala nang ibang lugar pa nang pagtatamaan mo nito. Nakakatakot at tila imposible, pero walang imposible sa taong matatag ang paninindigan sa buhay. Kung alin man o sino man ang nag-udyok sa iyo para gumawa ng isang pagkakamali, gawin mo ito/siyang target para unang maturuan nang iyong “Pagpapakamabuti 101”. Hindi mo maiaalis na parurupukin ka ng mga yan, pahihinain ka at sadya kang itutulak pa. Maging isip bata ka at makulit. At hayaan mong sila ang sumuko sa’yo. Magaling din naman sila sa utakan, e gawin mong utakang literal ang labanan.

Sa tingin ko, hindi pa naman huli para sa akin. Hindi ko masasabi pa ngayon kung magiging matagumpay ako sa hinaharap dahil sa sinapit ko noong nakaraan, pero ang mahalaga alam ko kung nasaan ako ngayon. Ang hinaharap ay bunga lamang nang ating imahinasyon, ng ating pag-iisip na minsan siya pang kumokontrol nang higit sa atin. Hinahayaan nating kontrolin tayo ng isang bagay na hindi naman tunay. At sa sobrang pag-iisip natin sa hinaharap, hindi na natin namamalayan ang mga pagkakamaling nagagawa natin sa kasalukuyan. Natuto tayong maging maramot at gahaman para sa isang pesteng hinaharap na huwad naman. Pano kung mamatay ka bukas? Ni hindi mo nagawang malasap ang hinaharap na matagal mong pinangarap. Ang punto, kung gusto mo ng magandang bukas, itama mo ang buhay mo ngayon imbes na isakripisyo mo ang integridad mo bilang tao para madaling makuha ang gusto mo. Samantalang ang nakaraan nama’y lumipas na at hindi na mababago pa, masarap lamang balik-balikan ngunit hindi mo dapat gawing tirahan. Pinanghihinayangan mo? E nangyari na eh. Malamang kung matino kang nabuhay noon, wala kang pagsisisi ngayon, kaya wag mo nang gawin pa ang pagkakamaling nagawa mo na. Nagkulang ka noon, punan mo ngayon. Ang kasalukuyan, ito ang konkretong realidad. Ito ang nangyayari sa ngayon na tanging ang  ating desisyon lamang ang basehan ng kahahatungan.

Matuto. Yun lang naman talaga ang gusto ko. Matuto ng marami hindi para purihin ng iba, kung di para magawa ko ng tama at maganda ang mga dapat kong gawin. Sadyang bilang tao, ginapang lang ako ng kasakiman nang ninais kong matamo ang mga bagay bagay sa mabilisang pamamaraan. Tingnan mo naman ako ngayon, ako na yata pinaka-bobo sa buong mundo. Pero siyempre biro lang yun dahil sabi nga ng gasgas na kasabihan, “walang taong bobo, tamad lang.” Tamad lang ako. Kaya pagsisikapan kong sumipag ng husto para naman mayari ko na kayo. Wahahahahahahahaha. >;D

Nagkamali ako noon, itatama ko ngayon. Ang alinmang hindi tamang nagawa noon, maniwala man tayo o hindi, kayang kaya pa nating ituwid ngayon. Ang nakaraan ay nagsisilbing aral lamang sa atin. Na sa buhay, konsensya at pagmamalasakit sa sarili mo’t sa iba dapat ang ating pinapakinggan. Parang Pilipinas lang yan, hangga’t sumasabay tayo sa bulok na kalakaran ng iilan sa gobyerno, malayo pa ang sikat ng araw sa ating munting tahanan. Ngunit kung magsisimula sa atin ang tiwala sa pagbabago at tayo mismo ang kikilos para maitama ang lahat ng pagkakamaling ito, malamang lamang, kaya na natin giyerahin ang China sa hinaharap at turuan sila ng virtue of sharing. Sabi nga ng isang palabas sa TV na napanuod ko kanina, “If you are not a part of the solution, you might be the cause of the problem.”

Ayokong matawag na problema at gusto ko ding mabuhay sa araw-araw nang taas noo sa iba. Hindi ko na kailangang makisama ngayon o matakot sa maaaring masabi ng iba, kasi alam ko sa sarili ko, ang tama at makatwiran ang ipinaglalaban ko. Namatay nang minsan ang matuwid na ako, pero nabubuhay naman ngayon ang mas pinatibay na bago. At sa pagkakataong ito, aalagaan ko ito ng husto. Para naman pag namatay ako, mas madami akong tribute kay Usec. Robredo o kay Ninoy Aquino, joke lang po.

Pagkat ang buhay ay isang mahabang exam, na walang makokopyahang sinuman. Ang bawat sagot, mali man o tama ay nakabase sa iyong desisyon, kung saan ang pagsapit ng checking of papers ay once lang, kaya habang may panahon pa, magdouble check ka na, di naman erasures are wrong eh. Baka kasi magsisi ka pag na-check na, one time big time lang ‘to at sad to say, wala nang re-take. J

Tara na! Review na. May oras pa!